Linggo, Mayo 5, 2013

Ang Mga Duwende


ANG MGA DUWENDE
Isang Kuwentong-Bayan mula sa Bikol

Malalim na ang gabi at abalang-abala pa sa pananahi ang dalawang magkapatid na babae. Tinatahi nila ang mga kamisa at saya nila, na isusuot nila para sa isang misa kinaumagahan. Ibinilin ng kanilang ina na siguruhing nakasara ang pinto at mga bintana ng kanilang bahay, kundi ay papasok ang duwende, na bumibisita sa kanila tuwing hatinggabi. Upang malaman ng kaniyang mga anak kung ano ang duwende, ikinuwento niya ito:

“Katulad lang ng mga ordinaryong tao ang mga duwende. Tuso silang mga nilalang, ngunit matulungin din. Ilan sa mga kapilyuhang ginagawa nila ay ang pagsira sa mga muwebles at mga larawan, pagbasag sa mga salamin, baso, plato, at tasa. Kung hindi sila makahanap ng mga bagay na sisirain o babasagin, kinukurot nila ang mga pisngi, braso, at katawan ng mga tulog na babae, upang maging mabigat ang pakiramdam nila pagkagising. Kung hindi kinaasaran ng mga duwende ang mga nakatira sa bahay na madalas nilang bisitahin, nagpapakita sila ng kabaitan sa mga ito. Sinasabing dinadalhan nila ang mga kaibigan nila ng mga masasarap na pagkain at ipinagtatanggol sila mula sa mga masasamang nilalang. Maraming tao tuloy ang sabik ngunit balisang makakilala ng duwende. Itinuturing nila ang mga nilalang na nagtataglay ng kakaibang karunungan dahil sinasabing alam na alam nila ang mga lihim at ikinikilos ng mga tao. Ngunit kung sakaling ang mga naging kaibigan ng duwende ay biglang nagsabi ng anumang masama o nagbalak ng masama sa kanila, kahit pa hindi sila marinig ng mga duwende, ay parurusahan sila at hindi na muling babalikan.

“Ang duwendeng binabanggit ko rito ay madalas sa bahay namin habang ang nanay ko, o ang lola ninyo, ay buhay pa. Parati niyang sinasabi sa aming isara ang pinto at mga bintana bago kami matulog. Isang gabi, nang nagtatahi rin kami ng kapatid ko ng kamisa at saya, nakalimutan naming isara ang mga bintana at pinto. Ilang segundo bago maghatinggabi, naroon ang isang maliit na nilalang na nakatayo sa aming pinto. Maliit siya, kasinliit lamang ng isang dalawang taong gulang na bata; pula ang kaniyang mukha; mayroon siyang mahabang bigote at maputing kulot na buhok. Maigsi ang mga braso niyang balingkinitan, ngunit malaki ang mga kamay niya--malaki para sa kaniyang braso.”

Nang marinig ng mga dalaga ang kuwento ng kanilang ina, natakot sila. Nang maghatinggabi, narinig nila ang mga tunog: takla, takla, takla. Gawa ito ng duwende.

Takot na takot ang dalawa. Lumingon ang panganay, at nakita niya ang duwende na pumapasok sa pinto. At katulad ng inaasahan, tumakbo at tumalon siya papasok ng bahay, papunta sa mga dalaga. Dahil doon, nasipa niya ang isang gasera, na nagpaliyab sa mga kamisa at saya.

Mula noon, naging maingat na ang magkapatid at ang buong bayan ng Legaspi sa duwende. Isinasara na nila ang kanilang mga pinto at mga bintana bago sila matulog sa gabi.

Walang mga komento:

Mag-post ng isang Komento